Nahulog sa bitag ng National Bureau of Investigation-Anti Graft Division (NBI-AGD) ang tatlong katao na iligal na nagbebenta ng Remdesivir, Tocilizumab at Baricitinib na gamot laban sa COVID-19 sa Pasay City.
Kinilala ni NBI Officer-in-Charge Director Eric Distor, ang mga arestado na sina Karen Amero, Ronaldo Ceriola at Erickson Soriano.
Ayon kay Dir. Distor, ang naturang mga gamot ay ibinebenta umano sa pamamagitan ng online platforms.
Base sa Food and Drug Administration Advisory (FDA), ang Remdesivir ay hindi pa aprubado bilang gamot sa COVID-19 at hindi rin ito nabibigyan pa ng Certificate of Product Registration (CPR) kung kaya’t hindi pa ito maaaring ibenta.
Dagdag pa ng FDA, ang paggamit ng Remdesivir ay limitado lamang at kailangang mayroon itong reseta mula sa ospital o kaya ay physician na binigyan ng Compassionate Special Permit (CSP).
Kinasuhan na ang mga suspek ng paglabag sa Food and Drug Administration Act of 2009 at RA 10918 o mas kilala sa Philippine Pharmacy Act.