Tatlong Katao na Sangkot sa Iligal na Droga, Isa-Patay Matapos Makipagbarilan sa mga Pulis!

209

Ramon, Isabela- Patay ang isang studyante habang nadakip naman ng kapulisan ang isa pang indibidwal na pawang mga sangkot sa iligal na droga matapos makipagbarilan sa mga pulis pasado alas diyes kagabi sa Brgy. Oscariz, Ramon Isabela.

Kinilala ang namatay na si Genesis Tumumba, disi nuebe anyos, studyante at residente ng Brgy. Sto. Domingo, Alfonso Lista, Ifugao habang kinilala naman ang nadakip na si Adriano Gener, animnapu’t limang taong gulang, residente ng Brgy. Nagtipunan, Alfonso Lista, Ifugao samantalang tinutugis pa ng kapulisan ang isa pa nilang kasamahan na si Patrick Ganer, bente kwatro anyos at residente naman ng Brgy. Oscariz, Ramon, Isabela.


Batay sa ipinadalang impormasyon sa RMN Cauayan, nagsagawa ng Checkpoint Operation ang PNP Ramon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa PNP San Mateo na mayroong tatlong kalalakihan ang patungo sa bayan ng Ramon na sangkot sa iligal na droga.

Nang makarating sa checkpoint area ang tatlong suspek lulan ang isang motorsiklo at kulong-kulong ay agad na umiwas ang mga ito patungong Alfonso Lista, Ifugao kaya’t hinabol sila ng mga nakabantay na mga pulis.

Pinaputukan umano ng isa sa mga suspek ang mga sumusunod na pulis kaya’t dumipensa naman ang kapulisan na nagresulta sa pagkabaril at pagkamatay ni Tumumba.

Narekober mula sa pinangyarihan ng krimen ang isang 9mm pistol, walong basyo ng caliber 9mm, anim na basyo ng caliber 5.56 at dalawang sachet ng hinihinalang Marijuana.




Hawak na ng PNP Ramon si Gener habang tinutugis na ng kapulisan ang nakatakas na si Patrick Ganer.

Facebook Comments