Tatlong kilalang lider at dalawang miyembro ng Communist Terrorist Group, patay sa engkwentro sa Camarines Sur

Patay sa engkwentro ang tatlong kilalang mataas na lider at dalawang miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) matapos ang sagupaan sa pagitan ng militar at ng nasabing grupo sa Barangay Burabod, Lagonoy, Camarines Sur, kahapon.

Nangyari ang operasyon matapos mamonitor ng militar ang umano’y mga aktibidad ng grupo na nananakot at nangingikil sa mga residente sa lugar.

Kinilala ang mga nasawi na sina Christopher Endrinal alyas “Bal”, pinuno ng Regional Urban Committee; Ramil Recto alyas “Paeng”, secretary ng Sub-Regional Committee 2 ng Bicol Regional Party Committee; at Danilo Budino alyas “Ter/Dado”, secretary ng KLG 2 sa SRC 2.

Samantala, inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng dalawa pang napatay na miyembro ng grupo.

Narekober mula sa mga nasawi ang isang M16 rifle, isang caliber .45 pistol, at iba pang kagamitan.

Ayon kay Lt. Col. Randy Eloreta, commanding officer ng 83rd Infantry Battalion, lalong humina ang puwersa ng grupo dahil sa pagkakasawi ng mga nasabing lider.

Hinimok naman muli ng militar ang mga natitirang miyembro ng CTG na sumuko at magbalik-loob sa pamahalaan.

Facebook Comments