Inirekomenda ni Senator Risa Hontiveros ang pagpapa-blacklist sa tatlong trading firms na sinasabing sangkot sa umano’y ‘government sponsored’ na sugar smuggling scandal.
Hiniling ni Hontiveros sa Department of Agriculture (DA) ang permanenteng pagpapa-blacklist sa mga napiling trading companies sakaling mapapatunayang totoo ang iregularidad sa pagbibigay agad sa mga ito ng allocation para sa iaangkat na asukal kahit wala pa ang kautusan.
Tinukoy ni Hontiveros ang mga kumpanyang All Asian Countertrade Inc., Sucden Philippines Inc. at Edison Lee Marketing Corp. na may malaking papel sa napaulat na iligal na importasyon ng daan libong metrikong tonelada na asukal.
Ipinanawagan din ng senadora sa Senado ang agad na pagpapatawag ng imbestigasyon sa panibagong kaso ng sugar fiasco salig na rin sa inihain niyang Senate Resolution 497.
Hinikayat din ni Hontiveros ang tatlong nabanggit na kompanya na makipagtulungan sa imbestigasyong ikakasa tungkol sa isyu at kung sakaling naiipit lamang ay hinimok na ibulgar na ng mga ito ang mga indibidwal na responsable o utak ng tinawag niyang ‘Sugar Import Fiasco 2.0’.