Monday, February 9, 2026

TATLONG LALAKI ARESTADO SA MAGKAHIWALAY NA BUY-BUST SA DAGUPAN CITY; SHABU AT MOTORSIKLO NASAMSAM

Tatlong lalaki ang nadakip ng pulisya matapos ang magkahiwalay na buy-bust operation laban sa ilegal na droga na isinagawa sa Dagupan City noong magkasunod na umaga noong Pebrero 8 at 9.

Ang operasyon ay pinangunahan ng iba’t-ibang himpilan ng Dagupan City Police Office at Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 1, at iba pang kaugnay na ahensya.

Sa unang operasyon sa Brgy. Mayombo noong Linggo, Pebrero 8, nakumpiska ang humigit-kumulang dalawang gramo ng hinihinalang shabu na nakalagay sa isang heat-sealed transparent plastic sachet, na may tinatayang street drug price na ₱13,600.00 mula sa mga suspek na kinilala sa mga alyas na “Wang,” at “Ed,”. Narekober din ang mga ginamit na marked money at boodle money, kabilang ang isang tunay na ₱500 bill at anim na piraso ng ₱1,000 boodle money.

Bukod dito, nasamsam din ang isang itim na Raider na motorsiklo na walang plate number at isang lighter na pinaniniwalaang ginamit sa ilegal na aktibidad.

Samantala, kaninang umaga naman, nasamsam ng awtoridad ang abot 1.8 gramo ng hinihinalang shabu sa suspek na itinago sa alyas na “Wawong” . Nagkakahalaga ito ng P12,240 at kabilang sa mga nakompiska ang mga marked and boodle money mula sa suspek.

Ang marking at imbentaryo ng mga ebidensya ay isinagawa sa mismong mga lugar ng operasyon, alinsunod sa itinatakda ng batas upang matiyak ang integridad ng kaso.

Ang mga naarestong indibidwal ay kasalukuyang nasa kustodiya ng DCPO at mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Patuloy namang hinikayat ng pulisya ang publiko na makipagtulungan at magbigay ng impormasyon upang mas paigtingin ang kampanya laban sa ilegal na droga at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lungsod. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments