Timbog ang tatlong lalaki makaraang magkunwaring mga traffic enforcer at nangotong sa isang driver sa kahabaan ng Road 10 sa Maynila.
Ayon kay Police Lt. Col. Rosalino Ibay Jr., hepe ng Raxabago Police Station, nakatanggap sila ng sulat mula sa Manila Traffic and Parking Bureau hinggil sa mga sumbong na pangingikil ng mga nagpapakilalang tauhan ng MTPB.
Ayon pa sa mga reklamo, kadalasang gabi nambibiktima ang tatlo.
Sa surveillance operation ng pulisya, huli sa aktong pangongotong ang tatlo na kinilalang sina Mark Buzeta, Almario Duque at Jericho Estares.
Nakumpiska sa kanila ang mga pekeng uniform ng MTPB at P1,000 nakuha sa pinarang driver.
Nabatid naman na apat na beses nang nahuli si Buzeta dahil sa kaparehong kaso.
Kakasuhan sila ng robbery extortion at usurpation of authority.