Kinumpirma ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na tatlo pang mga paliparan sa bansa ang nabigyan ng clearance ng lokal na pamahalaan para sa commercial flight operation simula ngayong araw ng Miyerkules, Hulyo 1, 2020.
Ayon kay CAAP Spokesman Eric Apolonio, handa na ang mga tauhan ng ahensya sa pagbubukas muli ng mga paliparan ng Basco, Batanes, Busuanga at San Vicente, Palawan.
Hinimok naman ni Apolonio na ang mga tutungo at aalis ng Batanes at Palawan na makipag-ugnayan sa kanilang airlines para makumpirma ang flight schedules.
Sa abiso ng Philippine Airlines, inihayag nito na magpapatuloy ang kanilang mga flight papunta at mula sa Basco ng tatlong beses sa isang buwan o sa July 1, 16, at 31, 2020.
Dapat ding alamin ng mga pasahero kung may karagdagang requirements ang Local Government Units (LGUs) sa pagbiyahe at limitasyon sa pagdating o pag-alis ng mga pasahero.
Sa kasalukuyan, 22 mga paliparan lamang maliban sa Ninoy Aquino International Airport ang binigyan ng clearance ng local government units upang ipagpatuloy ang mga commercial flight.
Samantala, ang iba pang local airports na magbubukas muli mula July 10, 2020 ay ang Tacloban, Ormoc, Catbalogan, Catarman at Borongan sa Samar.
Ang mga paliparan naman ng Surigao at Siargao ay muling magbubukas sa Agosto at Setyembre 2020.