Natukoy ng pamahalaan ang mga lungsod ng Cagayan de Oro, Iligan, at Taguig na may pinakamaraming kaso ng online sexual abuse at exploitation sa mga kabataan sa bansa.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni DOJ Spokesperson Asec. Mico Clavano na mahigpit na binabantayan ng pamahalaan ang tatlong lugar.
Batay aniya sa kanilang datos, 86% ng mga menor de edad na biktima ay kababaihan, at 14% ang mga batang lalaki.
Isa aniya sa nakikita nilang hamon ang pagiging “hidden crime” ng online sexual abuse dahil kadalasang sa bahay mismo ng mga biktima nangyayari ang krimen, at mismong magulang o kamag-anak lang nila ang nagbebenta sa kanila.
Giit ni Clavano, nakababahala ito dahil mas naging mura at accessible na para sa mga dayuhang parokyano ang malalaswang larawan at video dahil ibinebenta lang ito sa halagang P200 hanggang P300.
Sa pag-aaral ng Anti-Money Laundering Council, lumabas na lumobo ang halaga ng industriya ng online sexual abuse at child sexual exploitation materials sa bansa, mula sa mahigit P83-milyon noong 2020 hanggang halos P1-bilyon noong 2021.
Pangunahing dahilan pa rin umano ang kahirapan at mabilis na access sa internet kaya kumakagat sa pagbebenta ng malalaswang larawan at video ng mga kabataan ang magpapamilya at magkakamag-anak na naaaresto.