Tatlong magsasaka, arestado sa panununog ng mga puno sa Ifugao

Tatlong magsasaka na kabilang sa mga most wanted sa bayan ng Alfonso Lista, Ifugao ang naaresto dahil sa kasong panununog ng mga puno, ayon sa pulisya.

Naaresto ang tatlong suspek na isang 53-anyos na babae, isang 48-anyos na babae, at isang 48-anyos na lalaki sa magkakahiwalay na operasyon sa Sitio Kubo, Barangay Kiling.

Sila ay pawang may kinahaharap na warrant of arrest para sa paglabag sa Article 321 ng Revised Penal Code (Other Forms of Arson) na may inirekomendang piyansang P120,000 bawat isa.

Ayon sa imbestigasyon, pumasok ang mga suspek sa isang sakahan at sinunog ang mga punong namumunga. Hindi tinukoy ng awtoridad kung ilan ang kabuuang nasirang puno.

Ang tatlo ay nakalista bilang No. 2, No. 3, at No. 4 sa tala ng mga most wanted sa munisipyo para sa ikatlong kwarter ng 2025.

Patuloy ang panawagan ng pulisya sa kooperasyon ng komunidad upang matiyak ang kaayusan at mapanagot ang mga lumalabag sa batas.

Facebook Comments