Tatlong malalaking venue ang tinitingnan ngayon ng Commission on Elections (COMELEC) para sa pagdaraos ng debate ng mga kandidato sa pagkapresidente at bise-presidente.
Ito ang inihayag ni COMELEC Spokesman James Jimenez, base na rin sa konsiderasyon sa panganib na dulot ng COVID-19.
Aniya, pinag-aaralan rin ng COMELEC en banc na gawin ang debate sa Visayas at Mindanao bagamat nakadepende ito sa sitwasyon dulot ng pandemya.
Maliban sa mga media na papayagang mag-cover, bawal ang live media audience sa mga pagdarausan ng debate.
Sinabi pa ni Jimenez na tinitingnan rin ng COMELEC ang pagkakaroon ng platform o lugar na tatayuan ng kandidato para ligtas silang makatutugon sa mga isyu na walang suot na face mask.
Sakali naman may mga kandidato na urong sa nasabing debate, babakantehin na lamang ang inilaan na pwesto para dito pero umaasa ang COMELEC na lahat ay makakadalo.
Target ng COMELEC na gawin ang unang round ng debate sa ika-apat na linggo ng Pebrero.