Friday, January 30, 2026

TATLONG MANGINGISDA ARESTADO SA ILEGAL NA PANGINGISDA SA KARAGATAN NG BURGOS, PANGASINAN

Tatlong mangingisda ang inaresto ng mga awtoridad dahil umano sa ilegal na pangingisda sa isinagawang seaborne patrol bandang alas-11:30 ng gabi noong January 29, 2026, sa karagatang sakop ng bayan ng Burgos.

Kinilala ang mga lalaking naaresto na nasa edad 32, 48, at 52 anyos, na residente ng Zambales.

Ayon sa ulat, nagsagawa ng seaborne patrol ang mga tauhan ng Burgos Municipal Police Station (MPS) katuwang ang mga kawani ng lokal na pamahalaan at Bantay Dagat sa loob ng territorial seawaters ng Burgos.

Sa nasabing operasyon, nahuli sa aktong ilegal na pangingisda ang mga suspek matapos gumamit ng air compressor bilang breathing apparatus, na mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng batas.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang iba’t ibang kagamitan sa pangingisda kabilang ang isang hose na may habang humigit-kumulang 300 metro, limang timba, isang cooler, dalawang fishing arrow, dalawang fish knife, dalawang paddle, tatlong pares ng fins, dalawang fishing goggles, isang oxygen tank, isang compressor, apat na kilo ng iba’t ibang klase ng isda, at isang bangkang pangisda.

Matapos ang pag-aresto, ipinaalam sa mga suspek ang kanilang mga karapatang konstitusyonal at dinala sa Burgos MPS kasama ang mga nakumpiskang kagamitan para sa wastong dokumentasyon at kaukulang disposisyon ng batas.

Facebook Comments