Tatlong miyembro ng ASG, nagtangkang manggulo sa nakalipas na ASEAN Summit

Manila, Philippines – Tatlong miyembro ng Abu Sayyaf Group ang nagtangkang manggulo sa nakalipas na ASEAN Summit sa bansa.

Pero napigilan ang mga ito matapos na maaresto noong Byernes sa Salaam Compound Brgy Culiat Quezon City.

Kinilala ang mga ito na sina Abdulgaffar Jikiri alias Abu Bakar Jikiri, 19 anyos; Sadam Jhofar, 24 anyos at Alim Sabtalin, 19 anyos mga taga Brgy Culiat Quezon City na mga miyembro ng Abu Sayyaf Group sa pamumuno ni Furuji Indama na nakabase sa Basilan.


Ayon kay PNP Chief Ronald Dela Rosa ang mga suspek na ito ay nagtangkang magsagawa ng terror attack sa mga mall, Philippine International Convention Center o PICC at mga matataong parking area para guluhin ang nakalipas na ASEAN Summit.

Dumating raw sa Manila noong Agosto sina Sadam Jhofar at Alim Sabtalin habang noong oktubre ay namonitor ang pagdating dito sa manila ni Abdulgaffar Jikiri alias Abu Bakar Jikiri.

Sa ngayon ayon kay Gen. Bato nagpapatuloy ang profiling sa tatlo para matukoy kung ano ang kanilang partikular na role sa pagtungo nila sa Manila para sa plano sanang pag-atake.

Hindi rin nila inaalis na may kasamahan pa ang mga naarestong Abu Sayyaf Group members na nandito sa Maynila dahil nagpapatuloy aniya ang kanilang imbestigasyon.

Facebook Comments