Tatlong NPA, patay sa naganap na engkwentro sa Davao de Oro

Kasabay ng ika-53 anibersaryo ng New People’s Army ngayong araw, tatlong rebelde ang napatay ng militar kahapon matapos ang nangyaring bakbakan sa Davao de Oro.

Ayon kay B/Gen. Jesus Durante III, Commander ng 1001st Infantry Brigade ng Philippine Army, naganap ang sagupaan sa may bahagi ng Brgy. Tupaz, sa bayan ng Maragusan.

Kinilala ni Durante ang mga nasawing rebelde na sina Ezequil Cortez Daguman alias Rey/Ry, miyembro ng Communist Party of the Philippines (CPP) Central Committee at Deputy Secretary ng Regional Operational Command, Southern Mindanao Regional Committee.


Nasawi rin ang NPA member na sina Ruel Baylon na kilala rin sa alyas na James at si Quirino Remegio na kilala sa mga alias Jelly at Manoy.

Matapos ang engkwentro, narekober ng Militar ang nasa pitong matataas na uri ng armas, Improvised Explosive Device o IED, samu’t saring mga bala, medical paraphernalia at personal na kagamitan.

Sinabi ni Durante, malaking dagok sa buong CPP ang pagkamatay ni Daguman na siyang utak ng pangingikil sa mga negosyante at pulitiko sa lugar.

Facebook Comments