TATLONG NPA SUPPORTERS SA ISABELA AT CAGAYAN, SUMUKO

Cauayan City, Isabela- Nagkusang loob na sumuko sa pamahalaan ang tatlong (3) supporters ng New People’s Army (NPA) mula sa Lalawigan ng Cagayan at Isabela.

Sumuko nitong Martes, Nobyembre 23, 2021 sa mga tropa ng Allacapan Police Station, 203rd Mobile Force Platoon, 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company at 203rd Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 2 ang isang 37 taong gulang na Butcher mula sa Barangay Tubel, Allacapan, Cagayan.

Ayon sa kanya, siya ay nirekrut ng isang nagngangalang Sylvinia Bumanglag at pinangakuang malilibre ang kanilang binabayarang patubig mula sa National Irrigation Administration (NIA) kung siya ay sasapi sa kilusan.


Pormal siyang naging miyembro ng kilusan noong taong 2013 at lumahok sa ikinasang protesta sa harapan ng NIA sa Abulug, Cagayan.

Samantala, isa namang 46 taong gulang na itinago sa pangalang ‘Gibo’ at 34 anyos na itinago sa pangalang Rina at parehong residente ng Barangay Manano, Mallig, Isabela ang nagdesisyong magbalik-loob sa pamahalaan sa tulong ng Project ‘SAGIP’ ng PNP Mallig ng Isabela Police Provincial Office (IPPO).

Ibinunyag ng dalawa na sila ay hinikayat ni Cita Managuelod alyas “Karen o Ras”, DAGAMI leader, Peasant Consultant ng Regional White Area Committee 2 (RWAC2), Kilusan sa Lungsod at Sentrong Bayan (KLSB), Secretary ng DAGAMI, LLO na konektado sa Anak Pawis Party List.

Nangako umano sa kanila si Managuelod na tutulungan silang ayusin ang kanilang problema sa lupa subalit hindi ito natupad bagkus sila ay nahikayat na sumali sa mga isinagawang kilos-protesta laban sa gobyerno.

Patuloy naman ang pamunuan ng Police Regional Office 2 katuwang ang iba pang ahensya ng gobyerno at mga stakeholders sa pagpapaigting sa kampanya laban sa insurhensya at terorismo upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.

Facebook Comments