Kinasuhan na ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa Ombudsman ang tatlong opisyal mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa dredging operation sa Macolcol River sa Zambales.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni PACC Chairman Greco Belgica na kinilala ang mga opisyal na sina Engr. Antonio Molano Jr., ngayon ay assistant secretary ng DPWH, pero nang nagawa nito ang katiwalian ay dati siyang Regional Operations Director ng Region 3; Engr. Metodio Yuturbelia, DENR-NCR Director at Region 4-B, at nung nagawa ang katiwalian ay dating DENR Director ng Region 3; at normelyn Claudio, ngayon ay DENR-EMB Region7, at dating EMB Regional Director 3.
Ayon kay Belgica, ang kaso laban sa tatlo ay nag-ugat sa pagpapalabas nila ng patong-patong na permit o dredging clearance sa iba’t ibang kontraktor sa Macolcol River sa San Felipe at San Narciso, Zambales.
Iginiit ni Belgica na kailangang mapanagot ang mga opisyal na ito dahil hindi ito basta-basta lamang na raket kundi multi-billion dollar industry.