Makatatanggap agad ng COVID-19 vaccines ngayong buwan ang tatlong pangunahing COVID-19 referral hospitals sa Metro Manila kasabay ng pagsisimula ng mass vaccination campaign.
Ang Philippine General Hospital (PGH) sa Maynila, Lung Center of the Philippines sa Quezon City, at Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium sa Caloocan City ang unang makatatanggap ng bakuna.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang mga lahat ng staff ng mga nasabing ospital ay babakunahan.
“Kasi ospital ito e. Sasabihin mo, binigyan mo ang doktor, binigyan mo ang nurse. Hindi mo binigyan ‘yung mga admin staff. E papaano kung nagkasakit lahat ng mga ‘yan, hindi rin makakatrabaho ‘yung mga doktor. Kaya institutional ang gusto natin maasikaso rito, ma-preserve, ‘yung institutional safety,” ani Duque.
Ang mga sobrang doses sa initial rollout ay ipadadala sa ibang ospital sa Metro Manila.
“Metro Manila lang muna dahil ito naman ang epicenter. Titingnan natin kung puwede rin ang Cebu and Davao dahil dito ang mga epicenters din sa labas ng Metro Manila,” dagdag ng kalihim.
Sabi naman ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., kasama rin sa initial rollout ang mga health workers at personnel ng East Avenue Medical Center.