Inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang mga batas para sa disability pension ng veterans, pagtatatag ng One Town, One Product (OTOP) Philippines Program, at pagpapalakas ng proteksyon sa Philippine Cultural Heritage.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), pormal na ipaaalam ng Malacañang sa Kongreso ang pag-apruba sa Republic Act Nos. 11958, 11960, at 11961.
Ipadadala ng Palasyo ang mga transmittal letter na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, kina Senate President Juan Miguel Zubiri at Speaker Ferdinand Martin Romualdez, kung saan nakasaad ang tatlong batas na inaprubahan ni Pangulong Marcos.
Layunin ng mga naturang batas na matulungan ang mga beteranong militar na may kapansanan, palakasin ang ekonomiya at business system ng bansa, at ang konserbasyon at proteksyon ng cultural heritage ng Pilipinas.