
Itinutulak ni Senator Kiko Pangilinan ang tatlong panukalang batas na magpapalakas sa disaster resilience at flood control system ng bansa.
Layon ng mga panukalang ito na mapangalagaan ang buhay, mga komunidad, trabaho at critical infrastructure.
Binigyang-diin ni Pangilinan ang pangangailangan para sa pagkakaroon ng national, science-based approach sa flood management na pangunahing probisyong nilalaman ng mga panukalang Rainwater Runoff Management and Control Act, National Land Use Act of 2025, at National Water Resources Management Act.
Layon ng National Water Resources Management Act na magtatag ng Department of Water Resources na siyang mangangasiwa sa water supply, sewerage at sanitation, irrigation, flood control at storm water o urban drainage, drought risk management, water resource development systems, at iba pang public water works projects.
Sa ilalim naman ng Rainwater Runoff Management and Control Act, gagamit ng sistema para ipunin ang tubig ulan na maaaring gamitin sa irigasyon, firefighting, non-potable water supply source at ecological requirements.
Ang National Land Use Act of 2025 ay nagtutulak ng paglikha ng National Geo-hazard Mapping Program kung saan tutukuyin dito ang mga lugar na lantad sa pagbaha, pagguho ng lupa, ground rupturing, sinkhole collapse, tsunami, river erosion at iba pang natural hazards.









