Friday, January 23, 2026

Tatlong Partylist, kinondena ang banta ng China sa mga opisyal ng Pilipinas

Binatikos ng Partido Liberal, Akbayan at Mamamayang Liberal Party-list ang direktang banta sa mamamayang Pilipino ng babala ng China sa mga opisyal ng Pilipinas na “stop or pay the price.”

Sa joint statement ng LP, Akbayan at ML, kanilang iginiit na walang estado ang may awtoridad na magbanta sa mga opisyal ng ibang sovereign country para sa pagpapahayag tungkol sa mga beripikadong pangyayari sa loob ng sariling nasasakupang dagat.

Diin nila, may batayan ang mga pahayag na ginawa ng mga opisyal ng Pilipinas tungkol sa mga insidente sa West Philippine Sea dahil ito ay suportado ng mga dokumentadong pangyayari, bahagi ng opisyal na tungkulin, at naaayon sa pandaigdigang batas, kabilang ang umiiral na 2016 Arbitral Award.

Bunsod nito ay nananawagan ang LP, Akbayan at ML sa Department of Foreign Affairs (DFA) na gawin ang mga kinakailangang diplomatikong hakbang , habang isinasaalang-alang na may banta ang isang dayuhang embahada sa mga partikular na opisyal ng ating gobyerno.

Anila, dapat manguna ang DFA sa pagtatanggol sa mamamayang Pilipino at sa ating mga opisyal na iginigiit lamang ang kanilang mga karapatan, at hayagan at responsableng gumaganap ng kanilang mga tungkulin.

Facebook Comments