Ipinasara ng Facebook ang tatlong pekeng accounts gamit ang pangalan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Camilo Pancratius Cascolan dahil sa pagsasagawa ng illegal money-making activities.
Ang tatlong pekeng Facebook accounts ay may pangalang “Camilo Pancratius Pikoy Cascolan,” “Camilo P Cascolan” at “Camilo Cascolan.”
Ayon kay PNP Anti-Cybercrime Group Director Brigadier General Marvin Pepino, hiniling nila sa Facebook na alisin ang mga bogus account batay na rin sa imbestigasyon at verification na kanilang isinagawa nitong mga nakalipas na araw.
Nakatanggap sila ng communication mula kay Facebook Law Enforcement Outreach Manager Rob Abrams kung saan kinukumpirma nila ang pagbura sa mga nasabing accounts.
Natunton nila ang poser accounts na dawit sa ilang kaso ng online swindling at estafa at karamihan at solicitation ng pondo mula sa mga biktima para sa social welfare at humanitarian projects.
Ang tatlong Facebook accounts ay nanghihikayat ng FB users na mag-donate para sa pagbili umano ng computer tablets para sa mga estudyante na nasa mahihirap na komunidad para sa online classes.
Nagpadala na sila ng subpoenas sa apat na indibidwal na inaatasang dumalo sa Regional Field Units ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa pekeng FB accounts gamit ang pangalan ng Chief PNP sa online scam activities.
Ang mga nasa likod ng pekeng FB accounts ay mahaharap sa criminal charges, kabilang ang paglabag sa Section 4B ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012, para sa identity theft at Article 315 ng Revised Penal Code para sa Swindling o Estafa.