Tatlong ‘persons of interest’ sa pagpatay kay Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda, binawi ang desisyong sumailalim sa lie detector test

Umatras na sa pagsailalim sa “lie detector test” ang tatlong ‘persons of interest’ sa pagpatay kay Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda.

Matatandaang noong mga unang pagdinig ng Senate Committee on Public Order ay pumayag sina Dennis De Guzman, Freddie Molina, at Rommel Paltao na sumailalim sa ‘lie detector test’ pero ngayon ay nagbago na ang isip ng mga ito.

Ang tatlong nabanggit ay mga bodyguards ni Aparri, Cagayan Mayor Bryan Dale Chan na kasama rin sa persons of interest sa pagpaslang sa Bise Alkalde.


Katwiran ng tatlo, binabawi na nila ang pagtanggap sa hamon ni Senator Raffy Tulfo na sumailalim sa lie detector test ng Philippine National Police (PNP) Forensic Service alinsunod na rin sa payo ng kanilang abogado.

Nagbabala naman si Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa tatlong persons of interest na ang kanilang desisyon ay posibleng paghinalaan ng publiko na talagang may kinalaman nga sila sa pagkamatay ni Alameda.

Samantala, nagpahayag si dela Rosa ng pagkadismaya sa Globe Telecom matapos tumanggi ang naturang telco na ilabas ang content data ng cellphone number ni Mayor Chan.

Hindi aniya maaaring idahilan ng Globe ang Data Privacy Act (DPA) dahil naglabas na ng kautusan ang Korte na nagpapahintulot dito at gagamitin ito para makatulong sa imbestigasyon ng kaso.

Paliwanag naman ni Atty. Ariel Tubayan, head of Policy Division and Legal Services ng Globe Telecom, binigay na nila sa PNP ang traffic data, na naglalaman ng call logs at lokasyon kung saan ginawa ang mga tawag, petsa, at oras ng mga tawag at kung sino ang mga tinawagan pero iginiit nito na wala silang system na kayang mag-retrieve ng text messages.

Facebook Comments