Inaprubahan sa Kamara ang isang resolusyon na kumikilala sa mahalagang papel ng tatlong Pilipino sa exploration mission ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) sa planet Mars.
Sa pinagtibay na House Resolution 2593 ay binibigyang pagkilala ang mga natatanging papel nina Gregorio Go Villar III, Genevie Yang, at Edward Gonzales sa nasabing misyon.
Ang mga nabanggit na Pinoy ay pawang mga scientist at technician na nasa likod ng makasaysayang pagsasaliksik sa planetang Mars.
Matatandaang noong Hulyo 30, 2020 ay inilunsad ng NASA ang Mars 2020 na naglalayong suriin ang Jezero Crater ng Mars sa pamamagitan ng Perseverance Rover at Ingenuity Helicopter.
Kasama sa misyon ang pagkuha ng bato at lupa sa Mars at inuwi ito sa mundo para mapag-aralan.
Lumapag naman sa Mars ang Perseverance noong Pebrero 28, 2021 at tatagal ang surface mission nito ng isang taon sa planeta na katumbas ng 687 araw sa ating mundo.