Tatlong Pinoy na pinangakuan ng trabaho abroad, naharang ng BI

Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Clark International Airport (CIA) ang tatlong Pilipino na tangkang magpunta sa ibang bansa para sa ilegal na trabaho.

Ayon sa Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ng BI, kabilang sa naharang ang dalawang babae na may edad 30 at 33, at isang lalaking 33-anyos na nagtangkang bumiyahe patungong Malaysia sakay ng Scoot Airlines.

Sinabi umano ng mga biktima na sila ay mga turista lamang at apat na araw na magbabakasyon, subalit natuklasan ng mga opisyal ang salungat na pahayag.

Sa kalaunan, umamin ang mga indibidwal na sila ay babiyahe para magtrabaho mula sa alok na nakuha ng isa sa kanila sa pamamagitan ng kanyang dating karelasyon.

Nabatid na sa Cambodia talaga ang destinasyon ng mga biktima, kung saan ipinangako ng kanilang recruiter na sila ay magiging customer service representatives na may buwanang sahod na USD 1,000.

Ipinaliwanag din ng recruiter na ibibigay lamang ang kanilang ticket at detalye ng trabaho pagdating nila sa Malaysia bukod pa sa utos na magpanggap na turista upang makaiwas sa awtoridad.

Dahil sa insidente, isinailalim na sa kustodiya ng CIA Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang mga biktima para sa imbestigasyon at paghahain ng kaukulang kaso laban sa recruiter at facilitator.

Facebook Comments