Tatlong probinsya sa Luzon, lubog pa rin sa baha

Lubog pa rin sa baha ang ilang probinsya sa Luzon, tatlong araw matapos na manalasa ang Bagyong Karding.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni NDRRMC Spokesperson Bernardo Alejandro IV na hindi pa rin humuhupa ang baha sa Nueva Ecija, Pampanga at Bulacan.

Sa Pampanga, pinakaapektado ng baha ang mga bayan ng Candaba, Sto. Tomas, Macabebe, Minalin, Apalit at Masantol.


Ayon sa Pampanga River Basin Flood Forecasting and Warning Center, hindi nila nakikitang huhupa agad ang baha matapos na umabot sa kritikal ang lebel ng tubig sa Candaba Station.

Samantala, mataas pa rin ang tubig-baha sa San Ildefonso, Doña Remedios Trinidad at San Miguel sa Bulacan kaya karamihan sa mga residente ang nananatili sa evacuation center o sa second floor ng kanilang mga bahay.

Sa pinakahuling ulat ng NDRRMC, 81 lugar ang binaha sa Central Luzon, Calabarzon at Bicol.

Nakapagtala rin ng landslide sa Calabarzon habang hindi bababa sa 10 tulay at walong kalsada ang hindi pa rin madanan dahil sa epekto ng bagyo.

Facebook Comments