Para kay Senator Christopher “Bong” Go, mainam na irespeto ang pasya ng Department of National Defense (DND) na tuldukan ang 1989 agreement nito sa University of the Philippines (UP).
Kumbinsido si Go na ang hakbang ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ay para sa ikabubuti ng komunidad at mga estudyante ng UP na sinasabing nare-recruit ng mga komunistang group.
Diin ni Go, nirerespeto rin niya ang freedom of expression dahil karapatan ito ng ating kabataan pero huwag lang sanang pabagsakin ang gobyerno.
Sang-ayon naman si Committee on National Defense Chairman Senator Panfilo “Ping” Lacson na kailangang mapanatili ang academic freedom sa loob ng state university.
Dahil dito ay iminumungkahi ni Lacson na magkaroon ng panibagong kasunduan ang UP at ang security sector.
Iginiit naman ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na dapat ay matagal ng nabasura ang naturang kasunduan dahil naging daan ito para malayang makapag recruit ng mga UP students ang Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA).
Ipinunto pa ni Dela Rosa na kung ang CPP-NPA ay libreng nakapag-recruit ng mga estudyante ng UP para sumali sa kanilang kilusan sana ay pwede ring makapag-recruit ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ng mga taga-UP para sumali sa kasundaluhan o kapulisan.
Gayunpaman, hindi naman pinaboran ni Dela Rosa ang paglalagay ng police at military stations sa loob ng UP campus dahil baka ikonsidera itong paglabag sa academic freedom.