Nakita ng OCTA Research Group ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Cagayan de Oro, Davao City at Iloilo City sa nakaraang isang linggo.
Sa tala ng OCTA mula Mayo 12 hanggang Mayo 18, nag-a-average ng 94 ang bagong kaso sa Cagayan de Oro kada araw na mas mataas ng 52 percent sa mga kasong naitala sa lungsod kada araw mula Mayo 5 hanggang Mayo 11.
Naitala naman sa Davao City ay average 61 bagong na kaso ng COVID kada araw na mas mataas ng 36 percent kumpara sa nakaraang linggo.
Sa Iloilo City naman ay naitala ng OCTA ang average na 58 na bagong kaso kada araw na mas mataas ng 99 percent kumpara sa nakaraang linggo.
Pero kung sa buong bansa ang pag-uusapan, mas mababa ng 11 percent ang average na bagong kaso sa Pilipinas mula Mayo 12 hanggang Mayo 18.
Bumaba rin ang COVID-19 reproduction number sa Metro Manila, na nangangahulugan ng mas mabagal na transmission ng virus.