Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong suspek sa pag-smuggle at iligal na pagbebenta ng depleted Uranium sa bansa.
Kabilang sa naaresto ang lider ng grupo na si Roy Cabesas Vistal, ang kanyang partner na si Mae Vergel Zagala a.k.a. “Madame Mae”, at ang ahente na si Arnel Gimpaya Santiago.
Nabawi rin sa mga suspek ang 100 kilos ng radioactive materials.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, may mga kasabwat sa ibang bansa ang mga suspek at kanila na itong iniimbestigahan sa tulong ng kanilang foreign counterparts.
Ang mga suspek ay sinampahan na ng kasong paglabag sa Atomic Energy Regulatory and Liability Act of 1968 sa mga korte sa Pasay City at sa Cagayan de Oro.
Ayon naman kay Dr. Carlo Arcilla ng Philippine Nuclear Research Institute, ang depleted Uranium ay banta sa national security dahil ito ay maaaring magamit sa paggawa ng nuclear weapons.
Bukod dito, delikado rin aniya ito sa kalusugan ng tao dahil maaaring magkaroon ng cancer ang ma-e-expose sa nasabing kemikal.
Sa ngayon, isinasailalim na sa decontamination procedure ang lugar kung saan narekober ang depleted Uranium.