Arestado ang tatlong suspek sa pamamaril sa isang negosyante sa Barangay Casibong, San Jacinto, Pangasinan matapos ang isinagawang hot pursuit operation ng kapulisan.
Batay sa rekord ng pulisya, dati nang naging target ng kaparehong pag-atake ang biktima noong Setyembre 2025 kung saan siya ay nakaligtas.
Isang suspek ang naaresto noong Pebrero 2026 kaugnay ng naturang insidente, habang pinayuhan ang biktima na mag-ingat dahil may mga sangkot pang hindi nahuhuli.
Sa kabila nito, muling inatake ang biktima matapos magpanggap na mga customer ang dalawang suspek sa kanyang restobar.
Pinaputukan muna siya mula sa labas bago pinasok at pinagbabaril sa loob ng establisyimento.
Dead on arrival sa ospital ang biktima matapos magtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlong suspek, kabilang ang isa na sangkot din sa naunang pamamaril.
Dalawa sa mga suspek ang natunton sa tulong ng mga testigo sa magkahiwalay na lugar, kabilang ang isa na naaresto sa Dagupan City, habang ang isa pa ay itinuturong middleman sa krimen.
Sa ngayon, patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang posibleng mastermind at motibo sa likod ng insidente.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek at nahaharap sa kasong pagpatay habang nagpapatuloy ang mas malalim na imbestigasyon sa insidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







