Tatlong tauhan ng OTS sa NAIA, tinanggalan ng access pass ng MIAA dahil sa extortion activities

Kinumpiska ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang buwanang access pass ng tatlong tauhan ng Office for Transportation Security (OTS) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Kinilala ng Airport Police Department (APD) ang mga sangkot na tauhan ng OTS na sina Nickson Belason, Cyrus Peter Omadio at isang G. Dela Cruz.

Ang mga suspek ay nakita sa kuha ng CCTV camera habang tumatanggap ng pera mula sa isang dayuhang pasahero.


Sa report na isinumite ng APD kay MIAA General Manager Ed Monreal, lumalabas na isang pasaherong Chinese na kinilalang si Wenjin Zhang na patungong Cambodia ang nag-abot ng pera sa tatlong OTS personnel na namamahala sa initial security check bago sumakay ang dayuhan noong Miyerkules, July 15, 2020.

Nabatid na sina Belason at Omadio ay parehong Intelligence Agent Aide ng OTS-DOTr na nakatalaga sa initial check security habang si Dela Cruz ay security screener.

Facebook Comments