Tatlong terms of reference, nilagdaan sa pagitan ng defense department at Indian defense

Mas pinaigting pa ang ugnayang panseguridad ng Pilipinas at India matapos lagdaan ang tatlong Terms of Reference (TORs) para sa kooperasyon na sumasaklaw sa bawat pangunahing sangay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Indian Armed Forces (IAF).

Sa isang pahayag, sinabi ni Department of National Defense (DND) Spokesperson Assistant Secretary Arsenio Andolong na ang naturang TORs ay nilagdaan nina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. at Indian Defense Minister Rajnath Singh noong Martes sa New Delhi.

Bahagi si Teodoro ng opisyal na delegasyon kasama ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang pagbisita sa India mula Aug 5 – 8, 2025.

Kabilang sa mga ito ang TOR sa pagitan ng Philippine Air Force at Indian Air Force ukol sa Air Staff Talks; TOR ng Philippine Army at Indian Army para sa Army-to-Army Staff Talks; at TOR sa pagitan ng Philippine Navy at Indian Navy para sa Navy-to-Navy Staff Talks.

Ayon kay Andolong, magsisilbing balangkas ang mga TOR para sa pagbuo ng mga working groups ng mga pangunahing sangay ng AFP at ng kanilang Indian counterparts.

Magiging susi rin ang mga working group sa pagpapalalim ng kooperasyon sa larangan ng military education at joint training, pag-unlad ng kakayahan, maritime domain awareness, at pagtugon sa kalamidad at mga sakuna.

Dagdag ni Andolong, ang pagbisita ni Pang. Marcos sa India ay nagpapakita ng estratehikong direksyon ng Pilipinas sa pagpapatibay ng bilateral defense relations sa mga kaalyadong bansa at sa patuloy na pakikilahok ng Pilipinas sa pagpapalakas ng seguridad at katatagan sa Indo-Pacific region.

Facebook Comments