Tatlong trading companies na pinili sa importasyon ng mahigit 400,000MT asukal, kabilang sa listahang inirekomenda ng ilang grupo ng mga magsasaka

Napag-alaman na kabilang pala sa inirekomenda ng ilang grupo ng mga magsasaka ang tatlong sugar importers na pinili ng Department of Agriculture (DA) para sa importasyon ng 440,000 metrikong tonelada ng asukal.

Ang tatlong sugar importers na ito ang sentro ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa smuggling ng asukal sa bansa at pagpabor umano ng gobyerno sa mga piling sugar traders.

Nabatid na sa isang joint board resolution noong nakaraang taon ay inirekomenda ng Luzon Federation of Sugarcane Growers Association (LUZONFED) at United Sugar Producers’ Federation of the Philippines, Inc. (UNIFED) ang pitong traders para sa pag-aangkat ng dagdag na asukal na layong mapalakas ang suplay sa bansa.


Sa pitong traders na iminungkahi ng mga grupo ng mga magsasaka, dito pinili ni Agriculture Senior Usec. Domingo Panganiban ang tatlong traders para sa sugar importation, ito ay ang All Asian Countertrade, Inc., Sucden Philippines, Inc., at Edison Lee Marketing Corporation.

Nauna namang sinabi ni Usec. Panganiban na pinili niya mula sa list ang mga sugar traders dahil bukod sa inirekomenda ito ng dalawang malalaking grupo ng mga farmers, ikinukunsidera niya ang mga trading companies na ito na may kakayahang makapaghatid ng hinihinging volume ng asukal.

Matatandaang kanina ay sinuspinde naman sa ikalawang pagkakataon ang pagdinig ng Blue Ribbon kaugnay sa sugar smuggling dahil hindi naman nakadalo ang mga pangunahing resource persons sa pagdinig.

Facebook Comments