Arestado ang tatlong ambulant vendor o mga nagtitindang walang permanenteng pwesto matapos maaktuhan sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 7394 (Consumer Act of the Philippines) sa isinagawang operasyon ng pulisya sa Manaoag, Pangasinan.
Kinilala ang mga suspek na isang 29 anyos na lalaki, 53 anyos na lalaki, kapwa residente ng Santa Barbara, Pangasinan; at isa pang 33 anyos na lalaki at residente ng Mangaldan; lahat pawang mga ambulant vendor.
Ayon sa ulat ng pulisya, nagsagawa sila ng operasyon kasabay ng koordinasyon sa Department of Trade and Industry (DTI) sa Manaoag at sa referral center sa Makati City upang matukoy kung peke o orihinal ang mga nakumpiskang produkto.
Sa kasalukuyan, hindi pa sumasailalim sa pinal na pagsusuri ang mga ito kaya’t hindi pa matiyak ang kalidad at kaligtasan ng mga nasabing produkto.
Nabigo rin ang mga suspek na magpakita ng kaukulang permit upang makapagbenta ng mga naturang paninda.
Kabilang sa mga nakumpiska mula sa kanilang pag-iingat ang mga seasoning, at labing isang piraso ng espesipikong de lata.
Tinatayang umaabot sa halagang Php 11,165.00 ang kabuuang halaga ng mga nasamsam na produkto.
Patuloy pa ang pakikipag-ugnayan ng pulisya sa mga kumpanyang nagmamay-ari ng mga nasabing produkto para sa beripikasyon.
Samantala, inihahanda na ang pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek kaugnay ng paglabag sa Consumer Act of the Philippines. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










