Wednesday, January 28, 2026

TATLONG WANTED PERSON, ARESTADO SA MAGKAKAHIWALAY NA OPERASYON NG PULISYA SA PANGASINAN

Tatlong (3) wanted person na may iba’t ibang kasong kriminal ang arestado sa magkakahiwalay na operasyon ng kapulisan sa iba’t ibang bayan ng Pangasinan kahapon, Enero 27.

Sa Bugallon, isang 52-anyos na lalaki ang inaresto dakong alas-10:28 ng umaga sa bisa ng alias warrant of arrest para sa kasong Attempted Homicide at kasalukuyang nakapiit sa Bugallon Municipal Police Station.

Pagsapit ng tanghali, arestado naman sa Malasiqui ang isang 70-anyos na lalaki dahil sa ilegal na pagsusugal. Isinasagawa ang operasyon sa bisa ng warrant of arrest ng Urbiztondo MPS sa tulong ng Malasiqui MPS bunsod ng pagkakaaresto nito.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9287 o ang batas na nagbabawal sa iligal na pagsusugal.

Samantala, isang 30-anyos na babae naman ang arestado sa bayan ng San Nicolas mula sa operasyong ikinasa ng Alcala MPS, katuwang ang San Nicolas MPS.

Ayon sa pulisya, ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 10(a) ng Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, na may kaugnayan sa pang-aabuso laban sa isang menor de edad.

Ayon sa mga awtoridad, ang magkakasunod na pag-aresto ay bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng batas laban sa mga wanted person na may kasong may kinalaman sa karahasan upang mapanatili ang kaligtasan ng publiko sa lalawigan ng Pangasinan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments