
Tatlong indibidwal na may kinakaharap na magkakahiwalay na kaso ang sunod-sunod na inaresto ng mga awtoridad sa magkakaibang bayan sa lalawigan ng Pangasinan noong January 22, 2026.
Bandang alas-2:20 ng hapon, inaresto ng mga tauhan ng San Fabian Municipal Police Station ang isang 39 anyos na babae at residente ng San Fabian, Pangasinan.
Ang pag-aresto ay isinagawa sa bisa ng Warrant of Arrest (WOA) kaugnay ng paglabag sa Republic Act 12010 o ang Anti-Financial Account Scamming Act kaugnay ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012, na may kasong criminal. Itinakda ang inirerekomendang piyansa sa halagang ₱120,000.00. Ang akusado ay kasalukuyang nasa kustodiya ng San Fabian MPS.
Samantala, bandang alas-6:20 ng gabi ng parehong araw, inaresto rin ng Bolinao Municipal Police Station (MPS) ang isang 24 anyos na binata at residente ng Bolinao, Pangasinan. Ang suspek ay naaresto sa bisa ng WOA para sa kasong Estafa sa ilalim ng Article 315, Paragraph 2 (A) ng Revised Penal Code, na may inirerekomendang piyansa na ₱18,000.00. Siya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Bolinao MPS.
Dakong alas-7:20 ng gabi, muling nagsagawa ng operasyon ang San Fabian MPS kung saan inaresto ang isang 63 anyos na babae at residente rin ng San Fabian, Pangasinan. Ang pag-aresto ay isinagawa sa bisa ng WOA para sa kasong Bigamy na pinarurusahan sa ilalim ng Article 349 ng Revised Penal Code, at may inirerekomendang piyansa na ₱72,000.00. Ang akusado ay kasalukuyang nasa kustodiya ng San Fabian MPS.
Pinayuhan ng mga awtoridad ang publiko na patuloy na makipagtulungan sa kapulisan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.










