Tauhan at mga computers sa SSS, pinadadagdagan

Pinadadagdagan ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez sa Social Security System (SSS) ang mga tauhan, kagamitan gayundin ang oras ng operasyon sa lahat ng mga branches nito sa buong bansa.

Ito ay para pabilisin ang proseso ng paglalabas ng pondo para sa mga kumukuha ng loans at iba pang benepisyo ngayong may pandemya.

Sa House Resolution 1093, tinukoy ni Rodriguez na umulan o umaraw ay nagtitiis sa mahabang pila ang mga SSS members at retirees para lamang makapag-apply at makakuha ng loan, retirement, death, maternity at iba pang benepisyo para lamang makaagapay sa nararanasang health crisis.


Inihalimbawa pa ni Rodriguez ang kanyang distrito na may dalawang SSS branches sa Barangay Carmen at Barangay Lapasan na kung saan alas-5:00 pa lamang ng umaga ay nakapila na ang mga tao at dahil kulang sa mga tauhan at computers ang mga branches ay napipilitan din ang mag ito na mag-extend ng office hours hanggang alas-7:00 ng gabi.

Pero nagresulta aniya ang araw-araw na mahabang pila sa SSS sa kawalan ng physical distancing at ilan pang paglabag sa health protocols na mas lalong delikado sa publiko.

Dahil dito, kinalampag ni Rodriguez ang SSS na maglabas ng karagdagang pondo para sa lahat ng mga branches nito upang magdagdag ng mga tauhan kaakibat na may bayad para sa overtime at night shift, dagdag na computers at paglalagay ng mga tents para sa mga members na naghihintay sa pila.

Facebook Comments