Cauayan City, Isabela- Nakatakdang ibalik ngayong araw, September 7, 2021 sa piskalya ang isa sa mga itinuturong suspek sa panloloob sa pawnshop na pagmamay-ari ni Ms. Marjorie Tan sa may Private Palengke sa Barangay San Fermin, Cauayan City, Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan sa imbestigador ng Cauayan City Police Station, dinala na kahapon, September 6, 2021 sa fiscal’s office ang suspek na si AnnaMae Lagman, appraiser ng Galaxy pawnshop para sa pagdetermina sa bigat ng mga hawak na ebidensiya ng mga awtoridad para maiakyat ang kaso nito sa korte subalit sila’y inabisuhan ng piskalya kahapon na kumpletuhin muna ang iba pang mga hinihinging dokumento.
Sa panayam ng iFM Cauayan sa imbestigador ng pulisya, batay aniya sa kanilang ginawang pagsisiyasat at pag-aaral sa mga naging pahayag ng tatlong (3) appraisers na kinabibilangan ni Lagman, ay mayroong nakitang gabay o palatandaan na siya ay posibleng sangkot sa nangyaring panloloob at konektado sa iba pang itinuturing na person of interest.
Pansamantalang nakapiit sa lock-up cell ng PNP si Lagman at sinubukan namang kunin ng iFM news team ang panig nito subalit ipinapaubaya na lamang aniya nito sa kanyang abogado ang kanyang kinakaharap na sitwasyon.
Magugunitang pasado alas 12:00 ng tanghali noong araw ng Linggo, September 5, 2021, pinasok ng ‘di pa nakikilalang armadong suspek ang Galaxy pawnshop at tinangay ang mga pera na nagkakahalaga ng mahigit isang daang libong piso maliban pa sa mga alahas na nalimas nito.
Bago mangyari ang insidente, lumabas muna ang nakabantay na security guard para bumili ng pagkain na siya namang sinamantalang pagkakataon ng suspek para isagawa ang nasabing krimen.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang pangangalap ng mga impormasyon at kuha ng CCTV Camera sa mga kalapit na establisyemento ng niloobang pawnshop para sa agarang pagkakakilanlan at ikadarakip ng mga salarin.