
Iginiit ni Senator Jinggoy Estrada na “hindi safe” ang taumbayan hangga’t naririyan ang mga katulad ni dating Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez na nakikinabang nang husto sa salapi ng bayan.
Sa kanyang privilege speech, binanatan nang husto ni Estrada si Hernandez at binigyang-diin kung paanong ginamit umano sa pagsusugal, pagbili ng mga mamahaling gamit at sasakyan ang pondo para sa flood control projects sa Bulacan.
Sinabi rin ni Estrada na may nagbabala na sa kanya na magiging “easy target” siya matapos ipa-contempt si Hernandez — at hindi nga raw nagkamali dahil matapos nito ay ginawan na siya ng kwento mula sa naging testimonya sa Kamara.
Ipinunto ng senador na si Hernandez ang nasasakdal sa mata ng taumbayan at hindi siya.
Sinabi ni Estrada na hangga’t may mga ghost projects sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at sa iba pang ahensya ng pamahalaan, ay hindi kailanman magiging ligtas ang pera ng bawat Pilipino.
Dagdag pa ng mambabatas, hindi siya natatakot sa mga ibinabatong gawa-gawang kwento laban sa kanya at hindi rin siya papayag na gamitin ang kanyang nakaraan para lamang patahimikin siya sa usapin ng mga ghost projects.









