Hindi dapat masamain ng mga taga-gobyerno ang mga puna ng taumbayan sa pagpili nito ng bibilhing bakuna.
Ito ang pahayag ni Vice President Leni Robredo matapos sabihin ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi dapat maging “choosy” ang mga Pilipino sa brand ng COVID-19 vaccine na ituturok sa kanila.
Ayon sa Bise Presidente, ang kalusugan ay hindi pribilehiyo kundi karapatan na kailangang i-demand ng taumbayan.
Aniya, may karapatang magtanong ang mga tao hinggil sa presyo at efficacy ng bakuna dahil buwis ng taumbayan ang ipambibili dito.
“E syempre dahil isasaksak yun sa katawan mo interesado ka doon sa efficacy. E yung presyo may karapatan tayong magtanong kasi tax payers’ money yung gagamitin. Hindi ito pulitika Ka Ely dahil kalusugan natin ‘to lahat, buhay natin ‘to lahat. Ang hinihingi lang naman yung forthright na tamang impormasyon at ang hinihiling na pakinggan tayo,” ani Robredo sa programang Biserbisyong Leni sa RMN.
Tingin ni Robredo, nagiging kontrobersyal ang pagbili ng bakuna dahil na rin sa pahayag ng ilang opisyal ng pamahalaan na hindi naman nakakatulong.
Sa halip, dapat aniyang ipaliwanag ng gobyerno ang plano nitong pagbili ng bakuna na mas mahal pero may mababang efficacy rate.
Dapat ding ipaliwanag kung bakit mas mahal ang bili ng Pilipinas sa kaparehong bakuna na binili rin ng ibang bansa gayundin ang tila pagprayoridad sa Sinovac.
Para kay Robredo, mas tataas ang tiwala ng mga tao sa bakuna kung napapakinggan ang kanilang mga hinaing.
“Mahalaga yung confidence ng mga tao kasi makakatulong sating lahat hindi lang sa ekonomiya pero sa kalusugan ng mga Pilipino na mataas yung pagtanggap sa pagbabakuna kasi yun yung makakasalba sa atin. Hindi ito yung ‘kung ayaw mo e di wag’. Hindi ito ganon. Kahit pa ikaw yung may karapatan na magdesisyon para sa sarili mo, kailangang kumbinsihin natin sila na itong pagbabakuna, ito yung araan para makabalik tayo sa normal,” dagdag pa niya.