Tax break para sa mga magulang o guardian ng mga batang with special needs, isinusulong sa Kamara

Pinabibigyan ni Pinuno Party-list Rep. Howard Guintu ng ₱50,000 na bawas sa buwis ang mga magulang o guardian ng mga Children and Youth with Special Needs o CSYNs.

Saklaw nito ang matrikula sa pribadong paaralan, therapy, diagnostic evaluations ng medical professional, tutoring services, gastos sa byahe pagpasok sa paaralan o sa medical facility at pagbili ng mga specialized instructional material.

Sa inihaing House Bill 6960 ni Guintu, nakasaad na para ma-avail ang tax deduction ay dapat magsumite ang magulang o guardian ng patunay na binabalikat nito ang halos kalahati ng gastusin o financial support sa anak o alagang may special needs.


Ang panukala ni Guintu ay pagkilala sa sakripisyo ng mga magulang o guardian para mabigyan ng produktibong buhay ang mga anak na may espesyal na pangangailangan.

Kabilang sa tinukoy sa panukala ang mga 18-anyos pababa na mentally gifted o kaya ay disabled, impaired and handicapped at nangangailangan ng special education at serbisyo para sa kanilang rehabilitasyon.

Youth with special needs naman kung 18 hanggang 30 taong gulang at taglay ang nabanggit na mga katangian maliban sa pagiging mentally gifted.

Kasama rin dito ang mga may mental retardation, learning disability, autism, physical handicaps, speech defects, behavioral problems at iba pa.

Facebook Comments