Isusulong sa Kamara ang panukalang batas na magkakaloob ng “tax break” sa mga kompanya o negosyong magha-hire ng mga indibidwal na dating Persons Deprived of Liberty (PDLs).
Kaugnay nito ay bumuo si Rep. Joey Salceda ng “small group” na binubuo nila Ways and Means Vice Chairs Estrellita Suansing at Sharon Garin at PBA Partylist Rep. Jericho Nograles para magrekomenda ng formulation sa tax provision na magbibigay ng insentibo sa mga negosyo na magha-hire ng mga dating PDLs.
Nais ng mga kongresista na bigyan ng dagdag na kabawasan sa kanilang gross income ang mga kompanyang magha-hire ng mga dating PDLs o katumbas ng 15% ng kabuuang sweldo ng mga iha-hire na dating bilanggo.
Ibig sabihin, papayagan ang 115% ng labor expenses sa mga former PDLs na ibawas sa gross income ng mga kompanya.
Bukod sa benepisyong makukuha ng mga kompanya at negosyo ay makakatulong din ito sa mga dating PDLs na mabigyan ng oportunidad na makapamuhay ng maayos, maiwasan ang repeat offenses at mapababa ang crime rate.
Titiyakin naman ni Salceda na ang mga probisyong ilalatag sa panukala ay “veto-proof” at hindi maaabuso ng mga employers na magha-hire, magsisibak at mag-re-rehire ng mga dating PDLs para lamang maka-avail o makakuha ng benepisyo.