Hinimok ni ACT-CIS Partylist Rep. Niña Taduran ang gobyerno na magbigay ng tax credit para sa mga middle-income earners na apektado rin ng krisis ng COVID-19.
Ayon kay Taduran, tiyak na maraming middle-income earners ang nahihirapan ang pamilya at nangangailangan din ng tulong pinansyal mula sa pamahalaan.
Tulad ng mga minimum wage earners ay apektado rin sila ng paghina ng ekonomiya at paghinto ng trabaho.
Apela ng kongresista sa pamahalaan, bigyan ang middle-income earners nang kahit man lang kabawasan sa buwis na katumbas ng halagang ipinapamahagi sa mahihirap na pamilya sa ilalim ng Social Amelioration Program.
Bagama’t malaking kabawasan ito sa kita ng pamahalaan, malaking bagay, aniya, ang kabawasang ₱5,000 hanggang ₱8,000 sa buwis na maaaring magamit sa personal na pangangailangan at dagdag na tulong ito sa ekonomiya dahil tataas ang purchasing power ng middle class.