Bibigyan ng ₱100,000 tax credit ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang lahat ng establisyemento na nagpapatuloy sa pag-accommodate sa lahat ng health frontliners sa lungsod.
Kabilang dito ang hotels, motels, inns, apartelles, lodging houses at iba pa.
Ito ang sinabi ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso sa first directional meeting kasama ang mga hepe ng bureaus, departments at iba pang tanggapan.
Ayon sa alkalde, ang business tax credit na nagkakahalaga ng ₱100,000 ay bilang pagtanaw ng utang na loob ng pamahalaang lungsod sa tulong ng mga business establishments sa lahat ng medical personnel na patuloy na umaalay para mapigilan ang COVID-19.
Sinabi pa ni Moreno na tiniyak sa kanya ni Vice Mayor Honey Lacuna, na agad nilang ipapasa sa city council ang ordinansang nagbibigay ng tax credit.
Sa oras na maipasa na sa konseho ang ordinansa ay agad na pipirmahan ito ni Yorme upang maging batas at mai-publish para agad na maipatupad.
Dagdag naman ni Business Permits and Licenses Office Chief Levy Facundo, mayroong 19 na establishments na nag-accommodate sa health frontliners at hindi pa kasama rito ang dormitoryo dahil inaalam pa ang tamang bilang nito.