Pasado na sa House Committee on Ways and Means na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Salceda ang substitute bill ng panukala na layong bigyan ng tax exemption ang mga itinitindang medical oxygen at medical supplies na ginagamit para labanan ang COVID-19.
Ang COVID-19 Supplies Tax Exemption Act ay inihain bilang tugon na rin sa naunang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na ilibre sa buwis ang medical oxygen na madalas na ginagamit ngayon ng mga mild, severe at critical cases ng COVID-19.
Partikular na inililibre sa buwis ang paggawa, importasyon, pagbebenta at donasyon ng mga critical medical supplies at essential goods tuwing may public health emergencies.
Nakapaloob sa panukala na ang Secretary of Finance at Secretary of Health ay magkasama at regular na maglalabas ng listahan ng mga critical o kinakailangang supplies para sa prevention, control at treatment ng COVID-19.
Tatagal naman hanggang December 2023 ang effectivity ng tax exemption sa oras na ito ay maging ganap na batas.
Binibigyang kapangyarihan din ang Kalihim ng Finance na suspendihin ang threshold o limit sa export sales ng mga medical supplies para ma-avail ang pribilehiyong tax exemption sa ilalim ng National Internal Revenue Code.