Aprubado na sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang panukala na ililibre sa buwis ang mga medical supplies kasama ang medical oxygen na kailangan ngayon laban sa COVID-19.
Sa viva voce voting ay ipinasa sa second reading ang House Bill 8895 o Public Health Emergency Importation Tax Exemption Act.
Pinaspasan ang pag-apruba sa panukala bilang tugon na rin sa naunang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na ilibre sa buwis ang medical oxygen na kailangan ngayon ng mga nagkakasakit ng COVID-19.
Sa ilalim ng panukala, pinalilibre sa Value Added Tax o VAT, custom duties at iba pang fees ang paggawa, importasyon, bentahan at donasyon ng “critical medical products” na tutukuyin ng Department of Health o DOH, katuwang ang Departments of Trade and Industry (DTI) at Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Kabilang na rito ang mga bakuna, gamot, medical oxygen, mga Personal Protective Equipment o PPE gaya ng face masks at face shields; at iba pang laboratory at medical equipment.
Kasama rin sa tax exemption ang “consumables” gaya ng mga alcohol, sanitizers, tissue papers, hand soaps, povidone iodine, thermometers, testing kits; at mga equipment para sa waste management, raw materials at iba pa.
Tatagal naman hanggang December 2023 ang effectivity ng tax exemption sa oras na ito ay maging ganap na batas.
Binibigyang kapangyarihan din ang kalihim ng Finance na suspendihin ang threshold o limit sa export sales ng medical supplies para ma-avail ang pribilehiyong tax exemption sa ilalim ng National Internal Revenue Code (NIRC).