Isinulong ni House Assistant Majority Leader at Puwersa ng Bayaning Atleta o PBA party list Rep. Margarita Nograles na huwag ng mapatawan ng buwis ang mga produktong pang-palakasan at pangkalusugan.
Naniniwala si Nograles na mas mapapahusay nito ang kalusugan ng mamamayan dahil mas mapapababa ang presyo ng mga imported na sporting at health improvement gear and equipment.
Paliwanag ni Nograles, kapag nangyari ito ay mas marami ang mahihikayat na mag-ehersisyo araw-araw at mamuhay sa paraang makakabuti sa kanilang kalusugan.
Dagdag pa ni Nograles, daan din ito para mas lumaki ang tsansa ng mga atletang pinoy na magwagi sa international sporting competitions dahil makakaya na nilang bilhin ang pinaka-dekalidad na mga kagamitan na makakatulong sa kanilang laban at mga pagsasanay.