Umapela na rin si House Committee on Higher and Technical Education Chairman Mark Go sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na bawiin ang tax hike na ipinataw sa mga private school.
Agad na pinapabawi ni Go sa BIR ang inisyung Revenue Regulation No. 5-2021 kung saan itinataas sa 25% ang income tax ng mga proprietary educational institutions mula sa 10%.
Giit ng kongresista, ang maling interpretasyon ng BIR sa Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Law ay taliwas sa intensyon ng mga mambabatas na nag-apruba ng batas na tapyasan ang financial burden ng mga korporasyon sa bansa.
Paliwanag ng kongresista, ang determinasyon sa pagbubuwis ay trabaho ng lehislatibo at anumang implementing agency ay hindi maaaring lumihis sa itinatakda o intensyon ng batas.
Tinukoy pa ni Go na ang private educational institutions ang isa sa mga sektor na pinaka-apektado ng pandemya, patunay diyan ang 2 million na ibinaba ng mga estudyanteng nag-enroll sa private schools para sa school year 2020-2021.
Dahil dito, agad na pinare-revoke ni Go sa BIR ang revenue regulation at ipinawawasto sa ahensya ang tunay na hangarin ng batas upang maalis na rin ang pangamba ng mga stakeholder.