Tax Incentives at pagpapalakas ng PPP Projects, itinutulak ng isang senador

Isinusulong ni Senator Kiko Pangilinan ang pagbibigay ng tax incentives at pagpapalakas ng public-private partnerships (PPP) para mapabilis ang pagpapagawa ng mga silid-aralan.

Sa ilalim ng panukalang Classroom Building Acceleration Program Act, isinusulong ni Pangilinan na maisabatas ang partisipasyon ng pribadong sektor at local government units (LGUs) sa classroom-building programs.

Naunang kinwestyon ng senador sa pagdinig sa Senado kung bakit itinigil ng Department of Education (DepEd) at ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang programang ipinatupad noong Aquino administration kung saan hinati sa 50-50 ang halaga ng pagpapatayo ng mga silid-aralan sa pagitan ng national government at ng mga LGU.

Maski si Senator Sherwin Gatchalian ay inamin na naging benepisyaryo ng counterparting program ang Valenzuela City sa ilalim ng Aquino administration kung saan naging epektibo aniya ang mabilis na pagpapatayo ng mga classrooms dahil 50% mula sa pamahalaan at 50% mula sa LGU.

Pinuna naman ni Pangilinan na sa kasalukuyang set-up ng pagpapagawa ng mga silid-aralan, P2.5 million hanggang P3.8 million ang gastos kapag DepEd at DPWH kumpara sa mas mababang presyo kapag LGU-private sector partnership na aabot lang sa P1.5 million hanggang P2 million.

Naniniwala si Pangilinan na kung ibabalik ang programang ito at ang pakikipagtulungan sa pribadong sektor ay mas maraming matatapos na silid-aralan sa mas mabilis na paraan at sa mas murang halaga.

Facebook Comments