Tax provision ng panukala na nagdedeklara sa Philippine Rise bilang isang protected area, lusot na sa committee level

Aprubado na sa House Committee on Ways and Means ang tax provision ng panukalang nagdedeklara sa bahagi ng Philippine Rise bilang isang protected area.

Kinatigan ng panel ang tax provision ng House Bill 36 sa ilalim ng Section 8 kung saan ang kapangyarihan at tungkulin ng Protected Area Management Board (PAMB) ng Philippine Rise Marine Resource Reserve ay pinagtatakda ng fees at charges salig sa umiiral na guidelines.

In-adopt din ng komite ang Section 9 na nagsasaad na ang Protected Area Superintendent (PASU) sa ilalim ng Protected Area Management Office ay may pananagutan sa PAMB at sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) pagdating sa pangangasiwa ng operasyon ng nasabing protected area.


Ibig sabihin, ang PASU ang siyang mangongolekta at tatanggap ng mga ipinapapataw na fees, charges, donations at iba pang kita para sa protected area pero ang mga koleksyon ay kailangang regular na mai-re-report sa PAMB at DENR.

Pinae-exempt din sa donor’s tax ang mga bigay na grants, donations at contributions para sa pondo ng protected area at ipinakukunsidera rin ito bilang allowance deduction mula sa gross income ng donor.

Sa ilalim ng Philippine Rise Marine Resource Reserve (PRMRR) Act na iniakda ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon, layunin nitong mapangalagaan ang 13-million-hectare na Philippine Rise Region partikular ang Benham Bank at ang mga nakapaligid dito na katubigan na bahagi ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.

Facebook Comments