Tax provision ukol sa panukalang burahin ang utang ng agrarian reform beneficiaries, tiyak na lulusot sa House Committee Level

Tiniyak ni Albay 2nd District Representative Joey Salceda na aaprubahan ng pinamumunuan niyang Committee on Ways and Means ang mga tax provision sa panukalang burahin ang humigit-kumulang P58 billion na agrarian reform loans bago matapos ang taon.

Inihayag ito ni Salceda makaraang aprubahan ng House Committee on Agrarian Reform ang pinagsama-samang panukala para i-condone ang pagkakautang ng nasa 654,000 agrarian reform beneficiaries sa amortization at interest ng kanilang lupain sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Plano ni Salceda na sa darating na Lunes o Martes ay matatalakay na ito ng kaniyang komite upang agad ding mai-akyat sa plenaryo at nais ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na maisabatas ito bago matapos ang taon.


Para kay Salceda, ang naturang panukala ay “potentially biggest policy achievement” ng administrasyon ni Pangulong Marcos ngayong 2022.

Diin pa ni Salceda, malaki rin ang maitutulong nito para sa pagsulong at pag-unlad ng mga komunidad sa kanayunan.

Facebook Comments