Inaprubahan na sa House Committee on Appropriations ang tax provisions ng panukala na nagpapataw ng excise tax sa paggamit ng single-use plastic bags.
Sa pagdinig ng komite, muling nilinaw ng may-akda ng House Bill No. 0178 na si Nueva Ecija Representative Estrelita Suansing na layon ng pagpapataw ng buwis na makontrol ang paggamit ng mga single-use plastic sa bansa at para mapangalagaan ang kapaligiran mula sa epekto ng plastic pollution.
Sa ilalim ng panukala ay papatawan ng P20 excise tax ang kada kilo ng single-use plastic bags.
Ang kikitain naman mula sa buwis na ito ay gagamitin para sa implementasyon ng Republic Act No. 9003, o “Ecological Solid Waste Management Act of 2002.”
Sa oras naman na maging ganap na batas ito ay mahihikayat na ang publiko sa paggamit ng mga environment-friendly bags kapalit ng mga single-use plastic bags.